Unibersidad de Santo Tomas

Manila, National Capital Region, Philippines
Mga miyembro:
Irish Jhoi Alarcon
Yven Gerard Almalel
Judy Kay Ang
Mariel Therese Bobier
Ma. Margarita Bon
Vikki Lim

Magandang Araw po!
♥lots

Maligayang Pagbati! :)

Maligayang Pagbati! :)
Ang mga tao sa likod ng OH MY GASH...BALBAS!

Friday, March 26, 2010

Pang-aabuso, nararanasan ng mgahayop sa zoo


Introduksyon

Panukalang Pahayag:
            Ang mga hayop sa zoo ay nakararanas ng pang-aabuso mula sa mga bumibisita, tagapangalaga at tagapamahala.

Paksa:
            Pumapatungkol ang pananaliksik na ito sa pananaw ng mga tao na ang mga hayop sa zoo ay naaalagaang mabuti at maayos na natutugunan ang kanilang mga pangangailangan, lalo na sa aspektong medikal. Naniniwala ang nakararami na mabuti ang kalagayan ng mga hayop sa loob ng mga zoo sapagkat natututukang mabuti ng mga eksperto ang kanilang kalusugan at ibang pangangailangan sa tulong ng talino ng tao at mga makabagong kagamitan.
Ang pananaliksik na ito ay naglalayong ipaalam na hindi lahat ng mga hayop sa mga zoo ay maayos na naaalagaan dahil sila rin ay nakararanas ng pang-aabusong pisikal at sikolohikal hindi lamang sa mga bumibisita, tagapangalaga at tagapamahala pati na rin sa mismong kapaligiran nila.    

Pagtatala ng Suliranin:
            Maraming suliranin ang nakikita ng pananaliksik na ito, partikular sa kalagayan ng mga hayop at ng mismong zoo.
·         Nalilinis ba nang mabuti ang kulungan o kinalalagyan ng mga hayop?
·         Sapat ba ang espasyo ng kanilang hawla?
·         Ang mga natural na kailangan ba ng mga hayop na ito ay naibibigay tulad ng tamang pagkain at sapat na interaksyon nila sa ibang hayop o iba nilang kauri?
·         Kamukha ba ng natural na tirahan nila ang kanilang kulungan o kapaligiran?
·         Ganap pa rin ba ang kalayaan ng mga hayop na ito? Natatamasa pa ba nila ang kalayaang pinagkaloob sa kanila?
·         Mayroon bang sapat na mapaglilibangan ang mga hayop sa zoo?
·         Nakararanas pa ba sila ng pribadong pamumuhay? Tiyak bang hindi sila naaapektuhan ng ingay ng mga tao?
·         Dapat o maaari bang bigyan ng pagkain ang mga hayop sa zoo?
·         Nasusunod ba ng mga bumibisita   
Ang maling pagtrato sa kanila ng mga tagapangalaga tulad ng paggising sa kanila upang maaliw ang mga bisita, ang patuloy na pang-iistorbo sa kanila sa pamamagitan ng pagkuha ng litrato at patuloy na pang-iistorbo ng mga bisita ay nagdudulot ng hindi magandang pag-uugali na ipinapakita nila at pagkabalisa.

Rebyu o Pagaaral:
            Mula sa mga ginawang pananaliksik sa mga artikulo sa dyaryo at sa paghahanap sa mga website ng mga organisasyong pumoprotekta sa mga hayop kung saan nakuha ang kanilang panig ay napag-alaman na maraming pangyayari ukol sa pang-aabuso sa mga hayop.
Ayon sa isang artikulo sa Inquirer.net, na pinamagatang “Manila Zoo, Animals Suffer From Boredom, Abuse” at isinulat noong ika-17 ng Marso 2009 ni Abigail Kwok, at pati na rin sa isang artikulo sa gmanews.tv na pinamagatang “Animal rights group continue battle vs Manila Zoo” na; sinulat sa parehong petsa ay sinasabing pinipigilan ng “animal rights group” na maglagay at maglipat ng mga hayop sa Manila Zoo dahil sa kalagayan ng lugar. Maliit lamang ang zoo ngunit hindi gaanong nalilinis at naaayos ang ang mga kulungan o kinlalagyan ng mga hayop at ibang mga pasilidad. Sa pangunguna ng “People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia Pacific” ay nananawagan sila kay Mayor Fred Lim na itigil ang paglipat ng mga hayop sa Manila zoo. Sinabi rin nila na ang mga hayop ay nabibilang sa kanilang mga pamilya o uri sa kagubatan kung saan sila ay makakapanirahan nang malaya sa malawak at natural na kapaligiran. Ipinaglalaban rin nila na walang kabutihang maibibigay ang zoo sa mga hayop kundi kalungkutan, pang-aabuso at pagkabalisa dahil sa mababang kalidad ng pag-aalaga ng mga tagapangasiwa ng zoo sa mga hayop.
Batay naman sa isang artikulo galing sa animalalerts.org na pinamagatang “Stop Animals From Suffering at the Manila Zoo” na isinulat noong ika-12 ng Enero 2010 ay namatay na ang kaisa-isang orangutan sa Manila zoo, na si Sisi, dahil sa pagdurusa niya sa kabagutan at pag-iisa. Sinasabi na mula nang ilipat si Sisi doon noong 1981 ay hindi naging maganda ang kalagayan niya dahil sa maingay na kapaligiran at sa pagkakakulong niya. Hindi man lamang siya nabigyan ng mapaglilibangan o nabigyan ng mga bagay na kinakailangan niya tulad ng mga matatagpuan sa kagubatan na mataas na puno, baging at mga sanga-sanga. Sinabi rin sa report na ang mga hayop sa Manila zoo ay nakakulong sa maliit na selda, na mapapansin rin naman ng mga bumibisita, na ibang-iba sa kanilang natural na tirahan. Nagpapakita rin sila ng kakaibang pag-uugali tulad ng paglalakad nang paikut-ikot at pagkatamlay. Lumalala rin ang kondisyon ng mga hayop at mga pasilidad dahil sa kakulangan ng pondo ng zoo.      
Sinabi naman sa isang artikulo sa petaasiapacific.com, na pinamagatang “Compassionate Filipinos Take Action for Animals,” ay naglunsad, noong Hunyo 2005, ng protesta ang organisasyon at mga kasapi nito tungo sa kanilang “anti-zoo campaign.” Ayon din sa artikulo ay nagsuot ng maskarang unggoy ang mga aktibista habang may dalang animo’y rehas na bakal at may bitbit na “banner” na nagsasabing “Zoos - Cruel Animal Prisons” bilang pagpapkita sa pang-aabusong nararanasan ng mga hayop sa zoo. Ginawa nila ang nasabing pagpoprotesta sa harap ng Manila zoo. Nasabi rin na marami ang umaasa na ang Pilipinas ang unang bansang maging “zoo-free.”
Galing naman sa Inquirer.net ang isang artikulo na pinamagatang, “PETA to protest wildlife ‘psychological sufferings’ at zoo” na isinulat noong ika-12 ng Setyembere 2007 ni Jerome Aning, na nagsasabing nagprotesta ang mga kasapi ng PETA sa Manila Zoo dahil sa “overpopulation” sa zoo at ang sikolohikal na pagdurusang nararanasan ng mga hayop na naroroon. Sinabi ng PETA na hanggang hindi napapalaya ang mga hayop doon ay patuloy silang makararanas ng kalungkutan at pagkabalisa. Dagdag pa ng grupo ay tinatratong parang mga kriminal ang mga hayop, kahit wala naman silang kasalanan, dahil sa pagkakakulong nila at matitigil lamang ito kung iboboykot ang operasyon ng zoo. Ayon sa direktor ng PETA na si Jason Baker ay mula pagkabata ay dinadala na ang mga nasabing hayop sa zoo at doon na lumalaki at namamatay na kakaiba sa nararanasan nila sa kagubatan o sa “wildlife” kung saan naroroon ang kanilang pamilya. Nasabi rin niya na nagdudulot ng sikolohikal na problema at kakaibang paguugali sa mga hayop, na tinatawag na “Zoochosis,” ang habang buhay na kalungkutan at pagkabagot mula sa kanilang pagkakakulong.

Layunin:
            Nilalayon ng pananaliksik na ito na makapag-ambag ng mga impormasyon tungkol sa tamang pagaalaga sa mga hayop sa zoo at pati na rin sa iba pang mga hayop na nakararanas na pangaabusong tulad nang sa mga hayop sa zoo. Nais rin ng pananaliksik na ito na maipaalam sa mga mambabasa ang kondisyon at kalagayan ng mga hayop sa zoo lalo na ang mga nararanasan nila mula sa mga bumibisita at mga nangangalaga. Ang maprotektahan ang mga hayop sa iba’t ibang klaseng pang-aabuso at sa mga walang pakundangang pagtrato sa kanila ay layunin rin ng pananaliksik na ito. Nais rin ng pananaliksik na ito na maiparating sa mga namamahala sa zoo ang kalagayan at dinaranas ng mga hayop nang sa gayon ay maging mas mabuti ang pagtrato sa kanila. Layunin rin ng mga mananaliksik na maipahatid ang kanilang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga hayop at maipaalam sa mga mambabasa ang dapat at hindi dapat na gawin o trato sa mga hayop. Ang maibahagi rin sa mga mambabasa ang tungkol sa mga batas at regulasyon na dapat na ipinapatupad ng pamahalaan ng zoo at sinusunod ng mga bumibisita at mga tagapangalaga ay isa sa mithiin ng pananaliksik na ito. At ang huli ay matutunan ng mga mambabasa at ng iba pang mapagbabahagian nila na galangin ang nararamdaman at nararanasan ng mga hayop nang sa gayon ay matutunan nila ang tamang pangangalaga sa mga ito.

Kahalagahan:
            Mahalaga ang pananaliksik na ito para sa mga organisasyong nangangalaga sa karapatan  ng mga hayop, sa mga pumoprotekta sa mga hayop, sa mga bumibisita sa zoo, sa mga may-ari’t nangangasiwa sa mga zoo at sa mga nangangalaga sa mga hayop sa zoo. Magbibigay importantsiya rin ito sa mga mambabasa, sa mga “zoo goers” at mga “zoo keepers” sa pamamagitan ng pagpapaalam sa kalagayan at kondisyon ng mga hayop sa zoo. Hindi lamang iyon, mabibigyang pansin din ng pananaliksik na ito ang pagbibigay malasakit at pagmamahal sa mga hayop. Ang pagiging “aware” ng mga zoo keepers, zoo owners, zoo goers at mga mambabasa sa maayos na pagtrato sa mga hayop ay maaaring maging daan upang mapabuti ang pangangalaga at pagtrato ng mga tao sa mga hayop. Isa pa ay matutulungan rin ng pananaliksik na ito ang mga nagnanais na magtayo ng zoo bilang negosyo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pananaliksik na ito ng mga impormasyon tungkol sa paguugali at tamang pangangalaga sa mga hayop.
           
Metodolohiya:
            Sa pagsisimula ng pananaliksik na ito ay naghanap ng mga artikulo at mga organisasyong nangangalaga sa mga hayop sa zoo, na makukuhanan ng mga mananaliksik ng adbokasiya, upang suportahan ang panukalang pahayag at ang buong pananaliksik. Matapos nito ay tiumungo ang mga mananaliksik sa Malabon at Manila Zoo upang magtanung-tanong tungkol sa maikling kasaysayan ng zoo, badyet para sa mga hayop at sa buong pasilidad ng zoo, paraan ng paglilinis, kung may permiso galing sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), kung saan nanggaling ang mga hayop at kung paano sila alagaan. Nag-obserba ang mga mananaliksik at kumuha ng mga retrato upang maikonsulta sa PETA Asia, isang organisasyong nangangalaga sa mga hayop at mga karapatan nito. Tumawag muna ang mga mananaliksik sa opisina ng PETA upang magpaalam at napag-alaman nila na mas mabilis silang makakasagot gamit ang “email”. Matapos ang pagtawag ay nagpadala ng mga paunang tanong ang mga mananaliksik sa PETA gamit ang “email” upang ikonsulta ang kanilang mga naobserbahan at mga punto. Agad namang sumagot ang PETA kaya nagpadala ulit ang mga mananaliksik ng “email” na naglalaman ng mga larawan na nakuha at ng ilang katanungan. Pinagtimbang-timbang ng mga mananaliksik ang mga datos na nakuha at sa huli ay maayos na tinapos ang mga dapat na gawin para sa pananaliksik.

Saklaw at Delimitasyon:
            Nakapokus ang pananaliksik na ito sa mga hayop na nasa zoo at ang mga nararanasan nilang pang-aabuso at maling pagtrato mula sa mga tagapangasiwa, tagapangalaga at mga bumibisita. Kasama ang mga isyu at ang isa sa mga organisasyon na bumabatikos sa mga zoo, ang PETA Asia, sa pananaliksik na ito upang sila ay mahingan ng opinyon ukol sa paksa ng pananaliksik. Ang pinakasentro ng pananaliksik na ito ay mga pang-aabusong nararanasan ng mga hayop sa zoo at ang tamang pangangalaga sa mga hayop. Hindi lamang ang mga hayop sa zoo ang nakakaranas ng pagkabalalisa at kalungkutan. Ang pagbibigay payo rin tungkol sa tamang pagtrato sa mga hayop ay kasama rin sa pananaliksik na ito.
            Hindi kasama sa pananaliksik na ito ang mga negosyo na ginagamit ang mga hayop sa pagtatanghal tulad ng “pet shows,” “ocean parks”, “circus” at iba pang kahalintulad nito.

I. Hindi lamang pisikal na pang-aabuso ang dinaranas ng mga hayop sa zoo

Malabon Zoo:
Ang Malabon zoo ay nasa pribadong pagmamay-ari ni G. Manny Tangco. Noong dekada sisenta ay nag-umpisa siyang mangolekta ng mga hayop sa likod ng kanilang bahay. Kalaunay, ang koleksyon niyang ito ang nakapagbigay sa kanya ng ideya na magtayo ng zoo.
Ang adres ng zoo ay 1 Gov Pascual Street, Barrio Potrero, Malabon, Metro Manila at matatawagan sila sa mga numerong 361-3083, 361-3064 OR 69. Nagbubukas ang zoo ng alas otso ng umaga at nagsasara naman ganap na alas singko y medya ng hapon. Isang ektarya ang kabuuang sukat ng zoo.
Ang bayad upang makapasok sa Malabon Zoo ay 120 piso. Mahal ito sapagkat ito’y pribado at ang perang galing sa “entrance fee” ang siyang perang nilalaan nila sa pagpapaganda ng zoo. Kahit na ang Malabon Zoo ay pribado, mayroon silang permit ng mga hayop na galing sa Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Pagpasok sa Malabon zoo ay agad sasalubong ang naglalakihang “aquariums” na may malalaking isda. Ngunit, mapapansin rin na tila nagiging kulay lumot na ang mga “aquariums” na ito. Kinapanayam ng mga mananaliksik ang isang tagalinis na nagngangalang Johnny Colasito. Sinabi niya na araw-araw daw pinapalitan ang tubig doon at kulay lumot ito dahil may lumot na raw ang salamin kung saan nakalagay ang mga isda. Dagdag pa ni Mang Johnny ay wala pa raw silang naaabutang namatay o namamatay na hayop doon. Ngunit inyong mapapansin sa iyong pagpasok ang mga mukhang patay na mga hayop sa loob ng maliliit na hawla, nagsisiksikang mga hayop sa loob ng maliliit na kulungan at ang maiingay na taong namamasyal dito. Isa sa mga ito ang tigre. Nag-umpisa ang zoo na may hawak na dalawang tigre lamang. Kalaunay naging 6-7 ang mga ito dahil sila-sila rin ang pinagtatalik ng mga nangangalaga sa zoo, ani Mang Johnny. Ang mga tigreng ito ay tila walang mga buhay, nakahilata lamang at tila bagot na bagot sa loob ng kanilang mga maliliit na hawla. Gigisingin pa ng mga “zoo keeper” ang mga ito upang bigyang aliw ang mga taong nanunuod sa kanila. Inabutan din ng mga mananaliksik na umiiyak ang isa sa mga tigre dito sa kakulangan ng tubig na maiinom dahil puro semento ang loob ng kanilang hawla. May mga pangalan pa nga ang mga tigre nila doon, ang isa’y Dingdong at mayroon ding Mariane.
Ang kanilang dalawang orang-utan naman ay nakakulong sa hawla na puro bakal at semento lamang. Wala man lamang halaman o damo sa loob ng mga hawlang ito. Naabutan din ng mga mananaliksik ang pagtatanghalian ng mga orang-utan. Binigyan sila ng bote ng tubig, orange, saging at noodles.
Sa kabilang dako naman ay makikita ang lawin, agila, “Philippine sea eagle,” “cockatoo,” at “Philippine hornbill” na nagiisa sa hawla at mayroon lamang isang sanga ng puno, rehas na bakal at semento. Tila naging manok ang mga ibong ito. Ang ibang ibon, maging ang ibang unggoy ay nagsisiksikan sa maliliit na hawla. Talagang nakakapanghina tingnan ang kalagayan ng mga hayop na ito. Nasabi rin ni Mang Johnny na mayroong 15 klase ng ibon ang zoo.
            Matapos ang pagpunta sa Malabon Zoo ay tumungo naman ang mga mananaliksik sa Manila Zoo.

Manila Zoo:
Pampubliko naman ang Manila Zoo na nagmula sa alaala ng ikalawang digmaang pandaigdig na sumisimbolo sa pagmamahal ng tao sa kalikasan at ang mga likhang kasama nito. Ito rin ang pinakamatandang zoo sa buong Asya. Sinimulan ito ni Mayor Arsenio H. Lacson noong ika-18 ng Mayo taong 1959 mula sa City Ordinance No. 4135. Ang inagurasyon ng Manila Zoo ay ginanap noong ika-25 ng Hulyo taong 1959 kung kalian rin ito unang binuksan sa publiko. Noong unang araw naman ng Pebrero taong 1967, sa pamumuno ni Mayor Antonio Z. Villegas mula sa Executive Order No. 10 ay itinalaga ang Manila Zoo and Public Recreations Bureau. At noong ika-15 ng Hunyo taong 1969 ay naitatag ang Public Recreations Bureau sa pamamagitan ng Republic Act 5264 mula sa conggreso. Nagbubukas ang zoo ng alas siyete ng umaga at nagsasara naman sa ganap na alas sais ng gabi araw araw kasama ang sabado, linggo at “holidays.” Ang address ng zoo ay Quirino Ave., Adriatico St., Malate Manila Luzon Philippines (corner of Mabini St. and Harrison St.). Matatawagan naman sila sa mga numerong 525-4602, (632) 400-1884 (Manila Zoo) / (632) 522-6179 (Kinder Zoo). Nasa ilalim ng Public Recreations Bureau (PRB) ang pamamahala sa Manila Zoo.
Ang “entrance fee” dito ay 20 pesos-discounted para sa mga residente at botante ng Maynila at para sa mga magaaral basta may dalang ID. 10 piso naman sa mga bata at may taas na mababa sa apat na talampakan, na residente ng Maynila. 20 piso naman ang “entrance fee” sa mga bata at mga taong mababa sa apat na talampakan, na hindi resident eng Maynila habang 40 pesos ang regular at libre naman para sa mga mananaliksik basta may sulat o kaya ay nagpaalam sa administrasyon.
Ang budget na ginagamit upang ito ay lalo pang pagandahin ay nagmumula sa Pamahalaan ng Maynila. Ang mayor bilang tagapangasiwa ng lungsod ay ang siyang nagaapruba kung may ililipat o bibilhing hayop. Hihingi dapat ang mayor ng permiso ng DENR kung ang ililipat na hayop sa zoo ay “endangered species”. Sa kabuuan ng zoo ay mayroon itong 33 tagapangalaga. At sa kasalukuyan ay may 500 hayop at halos 500 uri ng mga halaman at puno sa Manila Zoo.
Nagmula sa isang pamphlet na ipinamimigay ng zoo ang mga impormasyong nasabi at makikita naman na nakapaskil sa bungad ng zoo ang oras ng pagbubukas at pagsasara, arawkung kalian ito bukas at kung magkano ang “entrance fee”. At mula naman sa philippinecountry.com ang bilang ng mga hayop at halaman.
Sa bungad ng Manila zoo ay makikita kaagad ang kaisa-isa nilang elepante sa bandang kanan habang mga ibon tulad ng peacock, agila at lawin naman sa kaliwa. Karamihan na makikita sa Manila zoo ay iba’t ibang klase ng mga ibon at unggoy. May iilang tigre, hippopotamus, baka, kalabaw, kambing at kabayo. Tulad sa Malabon Zoo ay mapapansin din na matamlay ang mga hayop. May mga taong nagpapakain sa mga unggoy, tumatawag sa tigre para gumising, kumukuha ng mga retrato kasama ang mga ahas na tinatawag na “burmis phyton,” sumasakay sa mga maliliit na kabayo, kumukuha ng mga retrato kasama ang ilang ibon tulad ng “Philippine Monkey-Eating Eagle” at namamangka. May mga basura sa paligid at mabaho rin ang kapaligiran naamoy pinaghalu-halong ihi at dumi ng hayop. Nakakalat rin ang mga kumukuha ng litrato na may bayad, mga tindahan ng baterya ng kamera, tindahan ng mga “souvenir,” laruan at pagkain. Maingay rin ang paligid lalo na dahil may parke sa loob nito at may mga palaruan. Iba-iba rin ang bayad kapag nagpakuha ka ng larawan kasama ang mga hayop at may iba’t ibang sukat pa ito. Talagang negosyo ang pinopokus sa Manila zoo.
Nakausap ng mga mananaliksik ang assistant head veterinarian na si Dr. Sebastian at nakalap ang mga kinakailangang datos sa kanya. Ayon sa duktor ay pinapakain ang mga hayop sa Manila Zoo sa hapon, mga alas tres, at sa gabi pagsara ng zoo. Ang mga “primates”, “mammals”, at mga ibon dito ay pinapakain ng isa hanggang dalawang beses sa isang araw habang ang mga “reptiles” naman ay pinapakain lamang matapos ang bawat sampung araw. Mga buhay na hayop katulad ng manok ang kadalasang ipinapakain sa mga “reptiles”. Dalawang beses naman kada linggo ang pagpapalit nila ng tubig. Regular naman ang paglilinis nila sa hawla ng mga hayop, higit sa isang beses ang paglilinis sa kulungan ng mga “primates” at “mammals” dahil maya’t maya o higit rin sa isang beses sila dumudumi sa isang araw. Sa mga reptiles ay dalawang beses sa isang lingo depende sa pagdumi nito.

Mula naman sa mga obserbasyon ng mga mananaliksik, nang sila ay tumungo sa Malabon at Manila Zoo, ay nakitang pinapakain ng ilan sa mga bisita ng saging ang mga unggoy, tinatawag ang tigre upang gumising, sumasakay sila sa mga pinaparentahang maliliit na kabayo, nagpapakuha ng litrato sa mga ahas at mga agila at pinapakain ng noodles ang isang orang-utan, na hindi naman nito natural na pagkain.

II. Pagkonsulta at mga opinyon ng PETA Asia ukol sa mga pang-aabusong nararanasan ng mga hayop sa zoo
           
Ang mga mananaliksik ay gumawa ng sulat, na pinadala sa PETA Asia gamit ang “email,” upang maikonsulta ang mga na-obserbahan, mga datos na nakalap at mga sariling punto at mga katanungan. Naglalaman ang nasabing “email” ng pagbati, pagpapakilala at mga tanong ukol sa kanilang pananaliksik. Tinanong nila kung ano ang adbokasiya ng PETA, ang opinyon ng PETA tungkol sa nararanasan ng mga hayop sa Manila Zoo, mga paraan at senyales ng pang-aabuso, mga basehan upang masabi na nakararanas ng pang-aabuso ang mga hayop sa zoo at mga kinakailangang gawin ng tagapangasiwa upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon sa zoo. Nilalaman rin ng “email” ang mga obserbasyon ng mga mananaliksik at mga larawan na nakuha sa dalawang zoo na pinuntahan. 
Ayon kay Bb. Rochelle Regodon ng PETA Asia, ang kanilang adbokasiya ay nakapokus sa apat na bahagi kung saan pinakamaraming hayop ang nakararanas ng pinakamalupit na pagdurusa sa pinakamahabang panahon. Ito ay ang mga hayop sa factory, sa mga laboratory, sa industriya ng pananamit, at sa industriya ng pagtatanghal. Kaugnay dito, Ang PETA asia ay naniniwala na ang mga hayop na nakatalagang gumala-gala, lumipad, o lumangoy nang malaya ay hindi nabibilang sa kamay ng ibang tao. Ang mga hayop na nakakulong sa mga zoo ay pinagkaitan ng lahat na natural at importante sa kanila; lahat ng aspekto ng buhay nila ay kinokontrol ng ibang tao. Naninirahan sila sa mga hawla na kahit kaunti ay hindi hawig sa kanilang mga natural na tirahan sa mga gubat o desyerto. Hindi makikitaan ng mga sanga ang ibang hawla, wala namang mga damo sa kulungan ng mga baka, kambing, kalabaw at “Hippopotamus,” puro semento at rehas na bakal lang rin ang mayroon sa kulungan ng isang tigre. Wala silang pagpipilian kung ano ang kakainin o maging ang kanilang magiging asawa. Ang kaunting oras ng pamamasyal ng mga tao sa mga zoo ay katumbas ng panghabang buhay na pagdurusa ng mga hayop.
Dagdag pa ni Bb. Rochelle ng PETA Asia ang pasilidad ng Manila Zoo ay napakaliit, na may sukat lamang na 5.5 ektarya, at magkakasama ang mga nagsisiksikang mga hayop sa kulungan na pinagkaitan pa ng pribadong buhay at lahat ng kanilang gawain tulad ng natural na pangangalap ng makakain, paghahanap nila sa kanilang makakasama o makakasiping. Idinagdag pa nila na ang Manila         Zoo ay nagtuturo sa mga tao na ayos lamang na guluhin ang mga hayop at ayos lamang na ikulong sila sa mga hawla kung saan sila ay naiinip, malungkot, nagsisiksikan, pinagkaitan ng control sa pansariling buhay at malayung-malayo sa kanilang natural na tirahan. Sa kagubatan nabibilang ang mga hayop na ito; ang mga isda sa karagatan, ilog, lawa habang ang mga ibon, “reptiles,” at “mammals” naman sa gubat. Sa kasamaang palad, ang mga batas na naglalayong protektahan ang mga nakakulong na mga hayop sa Pilipinas ay hindi nagawa, naipasa o hindi gaanong naipaalam sa mga tao. Wala itong batayan ukol sa mga kinakailangan ng mga hayop, maging sa mga damo o natural na mga halaman sa loob ng hawla, at wala ring itinalagang batayan kung gaano kalaki ang mga dapat na kulungan ng mga hayop. Maraming mga hayop kagaya ng mga kabayo, ibon at maraming mga “cold-blooded” na hayop kagaya ng mga isda at “reptiles” ay kadalasang hindi nabibigyang proteksyon. Ang pagmamasid sa mga kulungan ay minsan lamang ginagawa, ang pagsususpindi ay lalong mas bihira at ang mga pagtatanggal ng mga lisensya ay halos hindi pa naririnig hanggang ngayon.
Nasabi rin nila na hindi kailangan ng eksperto upang malaman o makita na tinitiis ng mga hayop sa zoo ang kalungkutan, pagkabagot at pag-iisa para sa kasiyahan ng mga tao. Ang pisikal at mental na pagkabalisa dahil sa pagkakakulong  ay madalas na nagdudulot ng “stereotypic behavior” o hindi normal na pag-uugali at minsan ay pagkabaliw sa mga hayop na tinatawag na “zoochosis.” Ang sakit na ito sa pag-iisip ay nagpapakita ng mga sintomas tulad ng paglalakad nang pabalik-balik sa hindi nagbabagong bilis, pagbaling ng leeg na higit sa normal na kakayahan, pataas-baba na paggalaw ng ulo, pagkagat sa rehas, sobrang paglilinis ng katawan at iba pang paulit-ulit na gawain. Mula sa Animal Science Journal na pinamagatang Animal Welfare, Concepts and Measurement mula kay Propesor Donald M. Broom ng Animal Welfare Department of Clinical Veterinary Medicine sa Cambridge University.

“… mahalaga ang pisikal na kondisyon, ang pangangalaga sa mga hayop ay maaring hindi maging lubos sa kawalan ng problema nito, halimbawa ay pagkabalisa, pagkabagot, labis na pagkalungkot at pag-aalala o ang hindi mapakaling kondisyon… (mula sa Lawrence and Rushen, Stereotypic Behavior - CAB International). Inilarawan ni Broom na ang karaniwang paguugali o paglalarawan sa mga hayop na nakararanas nito ay paulit-ulit at magkakatulad na galaw, na walang malinaw na dahilan kung bakit ito ginagawa. Nagpapakita ng mga sintomas tulad ng paglalakad nang pabalik-balik sa hindi nagbabagong bilis, paikut-ikot na galaw, hindi karaniwang paggalaw ng ulo at pananakit sa sarili. Ang kakaibang paggalaw ng ulo at katawan at hindi karaniwang pag-uugali tulad ng mga nasabi ay mga sintomas rin.
“Mula sa aking pagiikut-ikot sa mga zoo sa Ontario ay nakakita ako ng maraming halimbawa ng “stereotypic behavior” o hindi normal na pag-uugali ng mga hayop na nagpapakita ng pagka-istorbong sikolohikal” ani Broom. Mula sa mga mananaliksik ang salin na ito.

Ang mga hayop sa zoo ay nakararanas ng hindi akmang kapaligiran at nagdurusa sa kalunus-lunos na kondisyon tulad ng hindi pagpansin sa mga pangangailangan nila, pang-aabuso, malnutrisyon, hindi akmang paggrupo-grupo sa kanila, kaibang clima at kulang-kulang na pag-aalaga mula sa mga beterinaryo.
            “Subukan mong 24 apat na oras na nakakulong sa maliit at masikip na hawla na walang oras para sa sarili, walang mapaglilibangan at sa gayon ay mararanasan mo ang pagtitiis ng mga hayop sa zoo,” dagdag pa Dr. Broom.
Natutuwa ang PETA Asia sa mga zoo na gumagawa ng paraan o hakbang upang isaayos ang kondisyon ng mga zoo at pataasin ang kalidad ng kanilang pangangalaga sa mga hayop ay hindi pa rin nito mapapalitan ang kapaligiran ng natural na tirahan ng mga hayop na nakapiit dito. Ang hindi gaanong maliit na hawla, na susmusukat lamang ng “5 by 8 ft” o kahit pa “10 by 20 ft” ay nananatiling isang hawla. Sa mga hayop sa zoo ang natural na tirahan nila ay ang malalawak na kapaligiran na umaabot ng daan-daang kilometro hindi tulad ng Manila zoo na may sukat na 0.055 kwadradong kilometro. Kahit ang pinakamalaking zoo ay hindi maibibigay ang sapat na espasyo, pribadong buhay, malusog na kalagayang mental, at iba pang natural na mga pangangailangan sa mga hayop kung ito’y nakakulong.
Ang Manila zoo ay tumutugon lamang bilang isang negosyo o mapagkakakitaan. Ang Animal Welfare naman ay laging sumusunod sa pagtugon sa pangangailangan ng mga hayop sa abot ng kanilang makakaya.   

Ang mga litrato na nakuha ng mga mananaliksik ay ebidensya ng nakaaawang kondisyon ng mga nakakulong na mga hayop na nagtitiis sa pag-iisa, nabubulok na pagkain, kakulangan ng magandang kalikasan at kalungkutan ng pagiging malayo sa lahat ng natural at importante sa kanila. Katulad ng aming nabanggit, walang tinatawag na magandang zoo. Hindi makatarungan na kunin ang mga hayop mula sa kanilang mga pamilya para lamang ikulong sila sa mga hawla buong buhay nila. Ang mga hayop ay hindi natin pagmamay-ari upang gamitin sa pagtatanghal.
            Sa paghingi ng rekomendasyon ng mga mananaliksik sa PETA Asia ay ito ang kanilang sinabi; na ang sumagot uli ay si Bb. Rochelle Regodon. Ang PETA Asia ay sumasaludo sa mga zoo na gumagawa ng paraan upang maging maayos ang kalagayan ng mga hayop sa kanilang pangangalaga. Ngunit kahit anong pag-aayos ang gawin sa mga zoo ay hindi ito magiging sapat upang matugunan ang pangangailangan ng mga hayop. Ang pagkakakulong ay maaaring maging impyerno sa mga hayop na nakatalagang gumala-gala. Ang pagkakulong sa mga maliliit na hawla at pagpilit na matulog sa loob nito ay ang mga sanhi ng paghihirap ng mga hayop mula sa malnutrisyon, kalungkutan, kawalan ng kalayaan at kawalan ng pangangalaga ng beterinaryo. Ang pang-aakit at pagpapasiya sa mga tao ang unang konsiderasyon at ang pangagalaga sa mga hayop ang karaniwang huli. Ang mga hayop ay dapat ibalik sa kanilang natural na tirahan, kung posible, kung hindi ay dapat silang ilipat sa mas kagalang-galang na sanktuaryo.
Ayon kay Bb. Regodon ng PETA, tungkol sa nasabi nila na walang gaanong batas na tumutugon sa mga karapatan ng mga hayop, kahit na gusto nilang pangalagaan ang mga hayop, iyong mga nasa industriya ng zoo ay karaniwang inuuna ang pera kaysa sa pangangalaga sa hayop. Ang PETA Asia ay walang sawang nagkakampanya upang maipaalam sa mga tao ang kahirapan na nararanasan ng mga nakakulong na hayop. Ang pinaka-mainam na gawin upang makatulong sa mga hayop na ito ay ang hindi pagpunta sa mga zoo.
Idinagdag pa ni Bb. Rochelle Regodon na nais bigyang halaga ng mga gawain ng PETA ang pagiging ligtas ng lahat ng nilalang, maging tao man o hindi, mula sa kapahamakan. “Kami ay naniniwala na ang lahat ng tao ay dapat subukang pagaanin ang paghihirap kahit kalian at kahit saan nila kaya. Hindi alam ng karamihan ang paghihirap ng mga hayop araw-araw kung kaya’t ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang maipaalam iyon sa kanila.
Sa panahon ngayon, ang ating patuloy na operasyon sa mga hayop ay hindi katanggap-tanggap. Kaya nating kumain ng mas mabuti, mag-aral ng mas mabuti, magdamit ng mas mabuti at pasiyahin ang ating sarili ng mas mabuti nang walang nasasaktan o namamatay na hayop. Tayo ang may kakayahang iligtas ang mga hayop mula sa mga nakapanlulumok na sakit sa pamamagitan ng pagpili ng mas mainam na pagkain, gamit na ating binibili at ang mga aktibidad na ating sinusuportahan.


III. Iba’t ibang klaseng pang-aabuso ang nararanasan ng mga hayop hindi lamang ng mga nakakulong sa zoo

Konklusyon:
            Maraming patunay ang nakalap ng mga mananaliksik ukol sa paksa na nakararanas ng pang-aabuso ang mga hayop sa zoo. Mula sa mga artikulong nabasa, mga adbokasiyang nahanap, pagbisita at pagobserba sa Manila at Malabon Zoo, pagtatanung-tanong sa mga nangangalaga at nangangasiwa nga mga nasabing zoo at pagkonsulta sa PETA Asia, na nangangalaga sa karapatan ng mga hayop, ay mapapatunayan na nakararanas nga ng pang-aabuso ang mga hayop sa zoo sa iba’t ibang paraan mula sa mga tagapamahala, tagapangalaga at mga bumibisita. Hindi man pisikal ay mas seryoso pa ito dahil naaapektuhan ang kanilang kalagayang mental at sikolohikal. Ayon sa mga datos, obserbasyon, mga sagot mula sa pagkonsulta at sa mga artikulong nakalap ng mga mananaliksik ay mas lalong napapatibay ang panukalang pahayag.
Maayos na nasusuportahan ng mga impormasyong nakalap ang paksa ng pananaliksik na ito kung kaya ay masasabing napatunayan ng pananaliksik na ito na may nararanasan nga na pang-aabuso ang mga hayop sa zoo mula sa ma tagapangasiwa, tagapangalaga at mga bumibisita. Hindi lamang pisikal kundi ay sa mental at sikolohikal na kalagayan din ng mga hayop sa zoo ang klase ng pang-aabusong nararanasan nila.

Rekomendasyon:
Ang mga hayop ay may buhay rin. Dapat ay tinatrato silang maayos kagaya ng pagtrato natin sa ating mga sarili sapagkat sila ay mayroon ding pakiramdam at hindi sila mga bagay na pwede nating itago kung saan natin naisin. Sila ay may sariling karapatan na mabuhay nang malaya. Ang pinagkaiba lang nila sa mga tao ay wala silang rasyonal na pag-iisip at hindi sila nakapagsasalita. Ngunit mababatid naman natin ito sa kanilang mga kilos at galaw. Isipin mo na lang kung ikaw ang ikinulong sa isang maliit na piitan at pinagkaitan ng makakausap at mapaglilibangan sa loob ng isang araw. Panigurado ay hindi mo maaatim ang buhay na ganoon. Gisingin nga lang tayo tuwing umaga ay tila mga hayop na tayo kung magalit. Paano pa kaya ang mga hayop na iyon na gigisingin o iistorbohin ang masaya nilang pagpapahinga upang pagkatuwaan ng mga tao at makunan ng litrato. Ang mga mabibilis na sandaling iyon kapag tumagal ay magiging panghabang buhay na. Kahit sino namang tao o hayop na pagkaitan ng kanilang normal na buhay ay magiging miserable ang pamumuhay kung kaya iminumungkahi ng mga mananaliksik na ibalik na lamang ang mga hayop sa kanilang normal na buhay sa kagubatan kung hindi naman sila maaalagaan nang maayos ng mga taong nangangasiwa sa mga zoo. Pinagkakakitaan nila ang mga hayop sa zoo ng kanilang mga natural na pangangailangan kung kaya ay nararapat lamang na magbalik sila ng utang na loob sa mga hayop sa pamamagitan ng matinding pagaalaga at mabuting pagtrato sa kanila.
Inirerekomenda rin ng mga mananaliksik na magdagdag pa ng mga “zookeeper” upang mas mabigyan ng pansin ang mga hayop pati na rin ang mga bumibisita dito. Ang mas maayos at tiyak na pangangalaga sa mga hayop sa zoo ay isa rin sa mga maaaring gawin ng mga nangangasiwa upang sa gayon ay makaramdam sila ng pagmamahal kahit sila ay malayo sa kanilang sariling pamilya. Mas mabuti rin kung magtatalaga pa ng mga ahensiya sa Pilipinas na nangangalaga sa mga hayop at sa kanilang mga karapatan. Maganda rin kung makapagsasagawa ng mga programang makapagpapaalam sa mga tao ng tamang pagtrato sa mga hayop upang mabawasan na rin ang mga pangaabuso sa kanila ng mga tao.
Ang pamahalaan ay may kapangyarihan upang gumawa ng batas kung kaya ay dapat gumawa at magpatupad sila ng mga batas na naglalayong mapangalagaan ang mga karapatan ng mga hayop sa loob at labas ng zoo. Dapat din ay mayroong pinagbabatayan ang mga zoo na tamang sukat o espasyo, tamang pagpapakain, tamang paglilinis at regular na pagtingin sa mga hayop na nauukol sa kanila. Isa rin sa pinakamagandang dapat nilang gawin ay obserbahan ang operasyon ng mga zoo kahit kada buwan o kada taon ay inspeksyunin nila ang mga pasilidad ng mga zoo upang malaman kung nasa mabuti pa bang kondisyon ang mga hayop na nakapaloob dito. Mas magiging epektibo rin kung magtatalaga ng mga awtoridad na aaresto sa mga taong pumapatay ng hayop at sana ay mas higpitan pa nila sapagkat mas marami pang hayop ang maaabuso dahil sa kagagawan ng mga walang awang tao. Makabubuti rin kung magiimplementa rin sila ng batas na ipakulong ang sinumang mahuhuli sa pagpatay ng hayop na ang dahilan ay gagawin lamang na mga palamuti. Iwasan na rin sana na gawing sentro ng pagkakatuwaan, para lang mapagkakitaan, ang mga hayop dahil nakasasama sa kanila ang pagpilit sa mga bagay na ayaw nilang gawin.
Sa sobrang pagmamaltrato sa mga hayop ay sobra-sobra rin ang mairerekomenda ng mga mananaliksik na gawin ng mga kinauukulan. Una sa lahat, ay dapat bigyan kaukulang espasyon ang mga hayop sapagkat ang mga ito ay hindi sanay sa maliit na kapaligiran. Pangalawa, ang mga pinapakain sa mga hayop ay hindi dapat pangtao, dahil hindi talaga ito ang kanilang kinakain. Isa sa halimbawa nito ay ang nakitang pagpapakain ng noodles at pagpapainom ng bottled water sa isang orang-utan. Ito ay sa kadahilanang maaring makasira ito sa kanilang kalusugan. Hindi naman talaga iyon ang dapat nilang kinakain. Pangatlo, ang mga tao na bumibisita sa zoo ay dapat may limitasyon din. Ito ay sa dahilan na ang ibang mga hayop ay hindi sanay sa ingay ng mga tao. Ang ibang hayop kagaya ng crocodile ay sampung beses na mas malakas ang pandinig kumpara sa tao. Sa mga ganitong simpleng bagay ay nakararanas ang mga hayop ng pang-aabuso kahit hindi sila pisikal na hinahawakan o minamaltrato.
Makabubuti rin kung maisusulong ng PETA at maipatutupad ng pamahalaan ang pagiging "zoo-free country" ng Pilipinas upang mabigyan ng kalayaan ang mga hayop na mabuhay nang tama at walang sagabal. Sa paraang iyon ay higit na mas matitiyak na mababawasan ang pangaabuso sa mga hayop.
Sa mga taong walang pakundangan kung pumatay ng hayop, makonsensya naman sana sila. May buhay rin ang mga hayop at nasasaktan din ang mga ito. Sa mga taong makakabasa ng pananaliksik na ito, binigyan tayo ng Diyos ng tamang pagiisip upang pangalagaan ang mga nakabababang uri na nilikha niya kaya sana ay wag natin silang saktan. Sa halip ay pangalagaan natin sila dahil ito ay responsibilidad natin.